May Tiktok account ako, pero dati ay doon ko ipinopost ang mga noob moves ko sa Mobile Legends. Ngayon, binago ko ang username at nilalaman ng account: TulaToonz, na may pangakong mag-feature ng isang tula kada linggo.
Bakit ko naman naisipan ito sa dinami-dami ng puwedeng gawin? Kahit noong mas bata pa ako ay pangarap ko na ring makagawa ng cartoons, at ngayon ay pangarap ko na ring maging content creator. Kaya lang mahiyain akong masyado, hirap kapag pagwapuhan na ang labanan, kaya ni-redraw ko na lang ang chibi drawing na ginawa sa akin ng anak ko. Ginawan ng kopya na naging frames para sa buka ng bibig at hand movements. Ngayon, cartoon version ko na ang nagsasalita sa social media! Ang saya! Heto ang resulta. Meron din sa Facebook Reels, Instagram at Youtube Shorts.
Mukhang napakaraming tools naman na available para makagawa ng cartoons nang mabilis na hindi dadaan sa pinagdaanan ko, lalo’t nasa panahon tayo ng A.I. Kaya lang, may bayad na sa advanced features, at mukhang hindi ko mako-customize ang hitsura sa anyong gusto ko. Kaya kahit may mas madali naman, pinagtiyagaan kong danasin ang drawing ng frames sa Inkscape (libreng vector drawing tool sa PC), at pag-animate ng frame-by-frame sa Pencil 2D, simpleng-simpleng animation program sa PC din.
Naisipan kong lapat ng konting music, kaya sinubukan kong kumalabit ng mga simpleng chords sa gitara, na sa kasamaang-palad ay kulang pala ng isang string. Recording ng boses sa libreng Audacity. Tapos, lapat ng tunog at text sa Capcut.
Marami akong ini-imagine na gustong gawin sa aking cartoon character at videos, pero kailangan ding umagapay ng skills ko sa paggamit ng mga napili kong program. Kapos ako sa kahusayang magdrawing, pero napag-aaralan naman ang pagguhit, kahit mabagal, sa Inkscape.
Sadya rin na maiikli at katutubong Filipinong anyo ng tula ang nais itampok ng TulaToonz. Madalas ihambing sa haiku at tanka ng Japan ang mga katutubong anyo na tanaga, dalit at diyona dahil sa ikli ng mga ito at pangangailangan ng eksaktong bilang ng pantig, at nais rin ng TulaToonz na itaguyod ang mga katutubong anyong ito. Sa tingin natin, pasok na pasok ito sa Tiktok o Reels dahil maiikli: nakapanood o nakabasa ka na ng isang buong tula nang wala pang isang minuto.
Sa panahong ito na kinukutya sa popular na social media ang sining ng pagtatanghal ng tula (oo, ‘yung tulang parody tungkol sa mga bahagi ng katawan ang tinutukoy ko) ang masasabi ko lang ay lumaban naman tayo na magtaguyod ng kabuluhan. Kaya kahit madalas ay makakabasa pa rin ng “pa-cute” na content sa TulaToonz, magtatanghal pa rin ito ng mga tulang tumatalakay sa mga hindi masyadong kyut na kalagayang panglipunan.
Sana abangan ninyo lagi ang TulaToonz sa aking Tiktok account, at iba pang social media.
@tulatoonz Paano kung nakahanap na ng iba? Ang Leron ay na-publish sa aklat na Pintanaga: Linya-linya ng Pagsinta noong 2023. Isa itong tanaga, katutubong tulang Filipino na may apat na taludtod at pitong pantig bawat taludtod. tula poetry Filipino Philippines
Editor’s Note: TulaToonz will be appearing regularly on GoodNewsPilipinas.com, courtesy of Edelio De los Santos.
Be part of our vibrant Good News Pilipinas community, celebrating the best of the Philippines and our global Filipino heroes. As winners of the Gold Anvil Award and the Lasallian Scholarum Award, we invite you to engage with us and share your inspiring stories. Connect, celebrate, and contribute to our positive narrative. For stories Making Every Filipino Proud or to share your tips, reach out to GoodNewsPilipinas.com via Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, YouTube, and LinkedIn. All links are here. Let’s spread good news together!