Avida

Wealth of Advice

 
Your ad here

Testimonya ng pagunlad

Posted on September 16th, 2012 under Wealth of Advice  

 

By Melchor V. Cayabyab

Pagplaplano, Pag-iimpok at Pamumuhan
ABOT-KAMAY NA KASAGANAHAN
Pag-unlad ng aking buhay pinansyal na kalagayan
bunga ng mga natutunan sa mga libro ni G. Francisco J. Colayco
Ni Melchor V. Cayabyab
Isinulat Abril, 2011

Isa akong guro sa pampublikong paaralan sa loob ng mahigit sampung taon. Bagamat propesyunal, ang sahod namin ay hindi malayo sa tinatanggap na sahod ng mga pangkaraniwang mangggawa. Dahil dito ay hirap akong pagkasyahin ang kinikita para sa lumamalaking pangangailangan ng pamilya.

PAGKABAON SA KUMUNOY NG UTANG
Upang mairaos ang iba pang gastusin, tulad ng maraming pampublikong guro, ay pangungutang ang aking naging sandalan.

Note: Madali kaming pautangin ng mga accredited lending institution ng DepED dahil automatic salary deduction

  • Nagsimula akong mangutang ng unang taon ko sa pagtuturo para maipandagdag sa pambayad ng renta sa bahay na ilang buwan na ring hindi nababayaran.
  • Mula sa Php 15,000 noong 2001 ay naulit ito akong mangutang pagkatapos ng ikapitong buwan na kung saan ay 70% ko pa lamang bayad ang nauna kong inutang.
  • Mula sa sa ikalawang pangungutang ay naulit uli ang aking pangungutang pagkatapos ng ikalimang buwan na kung saan ay 50% pa lamang ang aking bayad.
  • At pagkatapos ng ikatlong buwan ay muli akong nangutang sa iba namang lending institution dahil hindi pa ako maaaring makapangutang sa unang inutangan. Naulit-ulit ito ng naulit. Naging isang siklo sa aking buhay ang pangungutang para mabuhay, magbayad ng utang at ng makapangutang uli.
  • At noong huling bahagi ng 2007—83% ng aking sahod sa bawat buwan ay napupunta lamang sa pagbabayad utang.

Note: Ang ganitong kalagayan ko ay kalagayan din ng daang libong pampublikong guro.

KAWALAN NG PAG-ASA
Dahil sa pagkabaon sa utang ay mas lalong naging mahirap para sa akin at sa aking pamilya ang buhay. Kahirapan na kung saan ay nagdudulot na ng kawalan sa akin ng pag-asa.

Sa kabila ng ganito kong kalagayan (tulad din ng maraming guro) ang aking sinisisi ay ang aking kakarampot na kita bilang guro na siyang ugat ng aking kahirapan (at kahirapan naming mga guro). Ang aking pananaw tulad ng pananaw ng marami na kaya ako walang IMPOK, BAON sa UTANG at NAGHIHIRAP ay dahil maliit lamang ang aking suweldo.

HINDI SUMAGI sa aking ISIPAN na SURIIN ang aking PAGGASTA at paraan ng PAMUMUHAY. BASTA ang lahat ng ito ay BUNGA ng AKING MALIIT na SUWELDO —- at walang ibang solusyon kundi PAGDARAGDAG o PAGPAPALAKI ng KITA!

PAGLAKI NG KITA, PAGLAKI DIN ng PAGGASTA!
Unang bahagi ng 2009 nang dumating ang isang “SUWERTE”. Nakakuha ako ng isang taong kontrata sa isang PARTIDO PULITIKAL na naghahanda para sa 2010 National and Local Election. Agad ko itong sinunggaban at nag leave of absence ng isang taon sa paaralan. Magandang pagkakataon na ito para makaalpas sa kahirapan —-TRIPLE ang SAHOD na aking TATANGGAPIN bukod pa sa mga allowances. Sa aking kompyutasyon, mababayaran ko ng buo ang aking utang at sa pagbalik ko sa paaralan ay makakapagsimula uli ng walang pasang-pasang utang!

Subalit…. ang lahat ng ito ay isang MALAKING AKALA at PAGKAKAMALI. Natapos ang ELEKSYON at nakabalik ako sa PAARALAN ng WALANG NABAWAS sa AKING UTANG, WALANG IMPOK at BALIK ako sa DATING BUHAY. Kasabay kasi ng PAGLAKI ng AKING KITA ay HINDI KO NAMALAYAN na TUMAAS DIN ang PAGGASTA ko at ng aking pamilya. Ganito din ang naging sitwasyon ng iba pa ko pang NAKASAMA sa kampanya na triple din ang SUWELDOng TINATANGGAP kumpara sa dati nilang KITA na nauwi din sa WALA pagkatapos ng ELEKSYON.

PAGGISING sa KATOTOHANAN
Binasag ng aking karanasan noong 2009 hanggang kalahating bahagi ng 2010 ang aking mga MALING AKALA at PANANAW hingil sa aking BUHAY PINANSYAL. Hindi lang simpleng MALIIT ang KITA kaya ako WALANG IMPOK at BAON sa UTANG! Nasa AKIN ang PROBLEMA, nasa PAMAMAHALA ng aking PINANSYAL na KALAGAYAN.

Dito ko naalala ang ilang bahagi ng NABASA ko sa LIBRO ni G. Francisco Colayco na Wealth within your Reach: Pera Mo, Palaguin Mo (hindi ko pa binibili at pakonti-konting papuslit kong binabasa sa NBS) na nasa tamang PAGPLAPLANO, KASERYOSOHAN sa PAG-IIMPOK at TAMANG PAMUMUHUNAN ang KASAGANAHAN.

PAGPLAPLANO ng AKING BUHAY PINANSYAL
Dahil sa aking reyalisasyon ay BUMILI na ako ng LIBRO ni Francisco Colayco (sa wakas, matapos ang ilang papuslit na pagbabasa sa NBS). Seryoso ko itong binasa at mataas ang COMMITMENT na ito ay ISASAPRAKTIKA.

Nagsimula akong MAGPLANO! Inalam ko ang aking KALAGAYANG PINANSYAL, ang aking mga LIABILITIES—- walang nabawas at kalakhan ay BAD DEBT— mga pangungutang na hindi naman dapat nangyari. Kasabay ng pag-alam ng aking liabilities ay pagplaplano ng pagbabayad at pagpapaliit ng aking gastos.

PAGTITIPID
Nagsimula akong ilista ang aking pang-araw-araw na gastusin at dito ko nakita ang aking mga nagagastos na maaari namang iwasan tulad ng madalas kong special trip sa tricycle. Nagsimula na rin akong maglakad na lamang sa gabi dahil pwede namang lakarin (ehersisyo pa). Binawasan din ang madalas na pagkain sa labas. Natutong tumanggi sa mga hindi makatwirang hiling ng mga kamag-anak.

Dahil sa pagtatalang ito ng gastusin ay nagawa nating mapababa ng 40% ang araw-araw kong gastusin.

Ang aking plano at gastusin ay nakakabit sa SALAMINAN ng aking SILID para lagi kong makita at maalalang gawin.

PAMUMUHUNAN
Kasabay nito, July 2010 ay nagmiyembro ako sa kooperatiba ng mga guro sa aming paaralan. Kasunod nito ay sa dalawa pang kooperatiba sa aming lugar. Kaya nga noong Disyembre ay naranasan kong tumanggap ng DIBIDENDO na sa average ay 29% ng aking capital share. Bukod pa ito sa iba pang benepisyo na nakuha tulad ng mga discounts at patronage refund.

Mula sa DIBIDENDO na aking tinanggap at muling pangungutang (GOOD DEBT naman na) ay nagsimula akong magtayo ng bigasan na maayos na tumatakbo sa kasalukuyan—-isang negosyo na dating imposible subalit realidad na sa kasalukuyan

ABOT-KAMAY na KASAGANAAN!
Sa kasalukuyan ay 23% na lamang ang natitira sa aking dating utang. May inaasahan na rin akong passive income sa Disyembre na aking matatanggap sa tatlong kooperatiba na aking sinalihan. Malaking tulong din ang kinikita ng aking bigasan.

Pinipilit ko na ring magtabi ng 10% ng aking kita bilang impok na kung saan sa kasalukuyan ay katumbas na ng tatlong buwan ng aking buwanang kita. Ang mga HINDI KO NAGAWA sa loob ng halos dalawang DEKADANG PAGTRATRABAHO ay NAGAWA ko ng WALA pang ISANG TAON.

Malaki ang aking TIWALA na sa mga susunod na taon ay ABOT-KAMAY ko na at ng aking PAMILYA ang PINAPANGARAP kong KASAGANAAN. Kailangan lang talaga na SERYOSO kong IPAGPATULOY ang PAGPLAPLANO, PAGTITIPID, PAG-IIMPOK at PAMUMUHUNAN!

MARAMING SALAMAT sa mga NATUTUNAN ko sa mga LIBRO ni G. Francisco J. Colayco!

 

Comments are closed.